Aabot sa halos isang milyong mag-aaral mula sa mga pribadong eskuwelahan ang lumipat sa pampublikong paaralan sapul nang magsimula ang pandemya noong 2020.
Nabatid na mahigit 900,000 mag-aaral mula sa pribadong paaralan ang napilitang lumipat sa mga pampublikong eskuwelahan.
Ipinahayag ito ni Dr. Anthony Tamayo, chairperson ng Coordinating Council of Private Educational Associations (Cocopea) sa isang panayam ng ANC kahapon kung kaya't nadagdagan pa aniya ang bilang ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan.
Sinabi naman ni Atty. Joseph Noel Estrada, managing director ng Cocopea, na 60 porsiyento ng pribadong eskuwelahan ang nakitaan ng pagbaba ng mga nagpa-enroll sa kanila.
"Magkakaiba `yong decline ng enrollment, pero base doon sa aming survey, 60 percent ang nakaranas ng pagbagsak ng kanilang enrollment in varying degrees," ani Estrada.
Kaugnay nito, nanawagan si Estrada sa gobyerno na maaaring matulungan ang mga estudyante sa pagtataas ng voucher program para sa enrollment sa mga pribadong paaralan.
ANGHEL MIDRERO - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment