Tinatayang 500,000 botante sa buong bansa ang posibleng kasuhan ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa pagdodoble ng rehistro para sa Barangay and Sangguniang Kabataang Elections (BSKE) sa Oktubre.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, dadaan muna sa preliminary investigation ang mga natuklasan nilang double registrant at kapag nakumpirmang sinadya ang pagrerehistro ng doble ay sasampahan sila ng kaso.
"Meron po talaga na dumodoble-doble, akala nila makakalusot, tinatanggal po natin 'yan" paglalahad ni Laudiangco sa interview ng DZBB nitong Linggo.
"Sabi ni chairman (George) Garcia, sa buong Pilipinas baka umabot ng 500,000 ang aming tatanggalin. Sa ngayon nasa almost 400,000 na," dugtong pa ng tagapagsalita ng Comelec.
Aniya, madali na ngayong malalaman ang double registrant dahil bawat botante ay may biometrics o ang automated na pagkuha ng physical appearance tulad ng fingerprint.
"'Yong fingerprint po natin 100% matching po yan. Kapag may ka-match po tatanggalin po namin 'yan at talagang magpa-preliminary investigation, kakasuhan ka ba o hindi?" paliwanag ni Laudiangco.
Sinabi ni Laudiangco na marami ang gumagawa ng honest mistake dahil imbes na transfer of registration, nagpaparehistro sila sa bagong polling precinct. Mabeberipika umano ito kung talagang lumipat sila ng tirahan.
Ang mapapatunayan umanong nagkasala sa double registration ay posibleng makulong ng hanggang anim na taon, hindi na maaaring makaboto kailanman at hindi na makakaupo sa alinmang puwesto sa gobyerno kahit maging barangay tanod.
IKE ENRIQUE - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment