Hinatulan ng isang hukuman sa Pasay City ang blogger na dinemanda ni dating Senate president Vicente `Tito' Sotto III ng cyberlibel dahil sa nilabas na artikulo kung saan tinawag siya bilang "Malacañang lapdog".
Ayon sa desisyon ng Pasay City Regional Trial Court Branch 111 na may petsang Abril 17 ngunit inilabas sa media nitong Hulyo lamang, hinatulan ang blogger na si Edward Angelo `Cocoy' Dayao ng hanggang apat na taon at limang buwan na pagkabilanggo dahil sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Wala namang itinakda na anumang danyos ang korte.
Base sa rekord ng korte, dinepensahan ni Dayao ang kanyang sarili sa pagsasabing hindi siya blogger at ang trabaho niya ay mag-set up lamang ng website para sa kanyang mga kliyente. Kabilang umano sa mga ginawa niya ang `Silent No More' website kung saan lumabas ang artikulo laban kay Sotto.
Subalit pinanigan ng hukuman ang prosekusyon na nagpakita ng mga ebidensya base sa isinagawang imbestigasyon sa naturang website.
"Historical data taken from all of the foregoing websites bearing the same SSL Certificate […] shows negative result for author identifiers, except https://pinoyakoblog.com website, which shows the registrant's name Edward Angelo Dayao," ayon sa hukuman.
Gumawa rin umano ng `reverse search' sa Google AdSense ID ng `Silent No More' website at lumabas na may apat pang website ng ginagamit ang mga parehong credential nito na propinoy.net kung saan editor-in-chief at managing editor si Dayao.
Dinemanda ni Sotto ng cyberlibel si Dayao matapos lumabas ang artikulo sa `Silent No More' na nagsasabing `Malacañang lapdog' siya at anim na iba pang senador. Ito'y matapos umanong tumanggi sina Sotto na pumirma sa isang resolusyon na kinondena ang pagkamatay ng mga menor de edad kaugnay sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment