Sibak ang halos 1,000 tauhan ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kasunod ng sumiklab na riot sa pagitan ng magkalabang grupo ng Batang City Jail (BCJ) at Bahala na Gang (BNG) na nagresulta sa pagkasawi ng isang person deprived of liberty (PDL) at pagkasugat ng siyam na iba pa sa maximum security compound ng pasilidad noong Martes.
Ayon kay NBP deputy director Angelina Bautista, kabilang sa mga sinibak ang camp commander at mga tauhan na naka-duty nang nagbakbakan ang dalawang Bilibid gang.
Tiniyak naman ni Bautista ang seguridad sa pasilidad dahil sa nadagdag na mga tauhan na magbabantay sa maximum security compound.
Dagdag ni Bautista, iniimbestigahan pa rin kung sino sa hanay ng magkalaban na gang ang nagsimula ng gulo.
Pasado alas-nuwebe nang gabi noong Martes nang marinig ang mga putok ng baril mula sa nasabing compound.
Dismayado umano ang isang kakosa ng kabilang grupo sa pag-aayos ng dalawang miyembro ng magkalaban na gang kaya nagpaputok ito sa selda ng kaaway na grupo.
Nagsuguran ang mga ito na pinagmulan ng bakbakan ng dalawang nangungunang gang sa Bilibid. Hindi naman tinukoy ng NBP ang nasawing preso gayundin ang siyam na sugatang PDL.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment