Ibinahagi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mayroong 25 opisyal ng pamahalaan sa Metro Manila ang may banta sa kanilang seguridad.
Ito ay batay sa pinakahuling threat assessment ng NCRPO na kaugnay pa rin sa papalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan election (BSKE).
Sa kanilang pagsusuri, napag-alaman na may medium risk threat ang tatlong kongresista, dalawang alkalde, isang bise alkalde, siyam na barangay chairman, dalawang barangay councilor at isang SK chairman.
Ayon kay NCRPO spokesperson Lt. Col. Eunice Salas, may ilang salik na naging batayan para maisama sa listahan ang mga sumusunod.
"Sila ay napabilang sa medium risk kasi sa lugar nila merong intense political rivalry. Meron ding identified communist terrorist group. Maaaring nagkaroon din ng 2 insidente ng election-related incidents for the past 2 elections at maaaring nakatanggap din talaga sila ng mga actual death threats," ani Salas.
Kagyat namang ipinag-utos ni NCRPO chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na bantayan ang mga personalidad na kasama sa listahan.
"Nagbigay ng direktiba ang ating RD sa lahat ng unit commanders na paigtingin yung security lalo na sa mga identified na areas na may intense political rivalry at siyempre mag-maintain ng close coordination dito sa mga politiko na ito na mayroong talagang risk," dagdag pa ni Salas.
Pinayuhan naman ng NCRPO ang iba pang opisyal ng pamahalaan na may banta rin sa buhay na makipag-ugnayan sa kanila para mabigyan ng nararapat na seguridad.
Maaari rin umano ang mga ito na humingi ng karagdagang security personnel.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment