Pag-aaralan umano ng Makabayan bloc ang mga detalye ng P125 milyong confidential fund na ginamit ni Vice President Sara Duterte noong 2022 kung sapat ito para sa pagsasampa ng impeachment complaint.
Sa isang press briefing, sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT-Teachers Rep. France Castro na walang nakalaang pondo para sa confidential fund ng Office of the Vice President noong 2022.
Pero batay umano sa ulat ng Commission on Audit (COA) ay mayroong ginugol na P125 milyon ang tanggapan ni Duterte.
Sinabi ni Castro na posibleng mayroong mga naging paglabag sa batas sa ginawang ito. Humingi umano ang mambabatas ng dagdag na impormasyon mula sa COA para malaman kung saan ito nanggaling at kung saan ito ginastos.
Sa isa namang pahayag, sinabi ni Castro na maaaring nagkaroon ng paglabag sa Article 6 ng Konstitusyon, Article 220 ng Revised Penal Code (technical malversation), general provision ng General Appropriations Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at grave o simple misconduct o conduct prejudicial to service.
Nang tanungin sa press briefing kung kasama sa ikinokonsidera ang paghahain ng impeachment complaint, sinabi ni Castro na kasama ito sa pag-aaralan.
"Syempre pag-aaralan natin yung mga possibility para mapanagot, kung makikita natin talaga itong mga binanggit nating mga violation na ito lalong lalo na ito misuse of public funds, technical malversation at tsaka paglabag sa Konstitusyon dahil kung ikaw ay government official dapat sumusunod ka doon sa Konstitusyon at isang ground yan for impeachment kung sakaling mapapatunayan natin. Hintayin muna natin yung COA na hinihingi natin maimbestigahan nila ito dito sa nangyari sa P125 million," sagot ni Castro.
"Pero pano nagkaroon ng ganon wala naman ito sa GAA 202? Saan kinuha yung pondo? Saan ginamit yung pondo? Kaya very questionable ito," dagdag pa ni Castro. "Darating tayo dyan sa bagay na yan, sa impeachment kapag buo na yung ating mga data mga impormasyon, facts at documents."
EDNA DEL MORAL – HN INVESTIGATIVE REPORTER/COLUMNIST
No comments:
Post a Comment