Nakikita ng Department of Energy (DOE) na magpapatuloy ang taas-presyo ng mga produktong petrolyo hanggang sa matapos ang 2023 at inaasahang sisirit pa umano ito pagpasok ng `ber' months.
Ayon kay Director Rino Abad ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, ang tsansa lang para magbago ang tren sa presyo ng langis ay kung bumaba ang demand nito sa merkado.
Base na rin aniya sa kasaysayan, tumataas ang presyo ng langis tuwing `ber' months.
Paliwanag ni Abad, hindi balanse ang produksyon ng langis at global demand dahil sa pagbabawas ng produksyon ng Saudi Arabia at Russia.
Ang problema aniya ngayon ay walang grupo ng mga bansa na klarong nag-oorganisa para ibaba ang demand sa langis habang ang OPEC Plus naman umano ang nagbababa ng produksyon ng langis o ng suplay nito.
Sa katunayan ngayong Agosto umano ay nasa 2.8 milyong bariles ng langis ang kakulangan sa daily production.
Mula Hunyo hanggang ngayong Agosto ay pitong beses nang tumaas ang presyo sa kada litro ng gasolina, diesel at kerosene.
Samantala, sinabi pa ni Abad na para bumaba ang presyo ng langis sa bansa ay dapat na hindi na tayo nag-aangkat nito.
"Ang pinakamagandang chances talaga natin in the coming years ay ibaba ang ating pagiging import dependent," ayon pa kay Abad.
BECCA DANTES – HN HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment