Sinita sa budget hearing ng Kamara ang Commission on Higher Education (CHED) matapos na mapansin ng isang mambabatas na mas malaki umano ang ginagastos ng ahensiya sa mga hindi naman higit na kailangan at mahalaga tulad ng mga biyahe, bisita, research at iba pa.
Sa deliberasyon ng panukalang budget ng CHED para sa susunod na taon, nagtanong si House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin kaugnay ng Higher Education Development Program (HEDP) ng komisyon.
Sinabi ni Garin na kasama dito ang P200 milyon para sa Building Internationalization Competitiveness Program ng mga Higher Education Institution (HEI).
Ayon kay CHED Chairperson Prospero de Vera III, ginagamit ang pondo upang maging internationally competitive ang mga HEI sa bansa. Mula umano sa 15 ay 76 na ngayon ang mga HEI na mayroong international ranking.
Sunod na tanong ni Garin kung maaaring gamitin ang HEDP para pondohan ang scholarship at sinabi ni De Vera na "technically yes."
"There's a big difference between wants and needs. Maybe eto 'yung checklist niyo pero mas kailangan siguro ng ating mga kabataan ngayon na mabayaran [ang tuition fees]," sabi ni Garin.
"Bilyun-bilyon ang ginagamit natin dito sa mga paggawa ng guidelines, biyahe, bisita, research kunyari, pang-evaluate ng performance. Do we really need this huge expense?" puna pa ng mambabatas sa panukalang budget ng CHED.
"Ang napapansin lang namin, CHED always says ang daming kailangan ng mga estudyante [but] apparently you are not that keen on directly giving the assistance to our students because we are at a point na ang dami ngayon ang hirap na hirap na gumastos ng pang tuition because we are in the midst of challenging times," giit ni Garin.
Ngayong taon, ang CHED ay mayroong P30.7 bilyong pondo at P29.3 bilyon o 98.5% ang itinabi para sa scholarship sa pamamagitan ng HEDP.
Sa panukalang 2024 budget, ang pondo ng ahensya ay umakyat sa P31 bilyon subalit bumaba ng P29 bilyon ang alokasyon para sa HEDP.
BECCA DANTES – HN HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment