Bunsod ng confidential na tunggalian sa pagitan ng paksyunan ng administrasyong Marcos II-Duterte, obvious na hindi na kayang depensahan ang excessive na pondo ni Sara Duterte kung kaya't pinipili na ng ibang mambabatas na maghugas kamay at ilayo ang sarili sa pamamagitan ng pag-reallocate ng confidential funds sa ibang kawani na may kaparehong mukha ng huwad na administrasyon.
Kamakailan lang, pinanawagan ng ilang grupo ng mga kongresista na ilipat ang mga sobrang Confidential at Intelligence Funds sa ibang mga ahensya ng pamahaalan na diumano'y mas nangangailangan nito gaya ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), Philippine Coast Guard, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) dahil umano sa nagiging aksyon ng bansang Tsina sa teritoryo ng West Philippine Sea.
Dulot ng maingay na pagtutol ng naghihikahos na mamamayang Pilipino, sinusubukan ng ilang kaalyado ng administrasyon na maghugas kamay mula sa isyu na ito para mailigtas ang kanilang mga pangalan. Lahat ng signatories sa panawagang ito ay may alyansang nabuo kasama ang Lakas-CMD, dating partido ni Sara Duterte na nilisan nya.
WPS Issue Bilang Paraan ng Pagdistansya sa Isyu ni Sara
Sa isang joint statement, sinabi nina Rep. Michael John Duavit (Rizal, 1st District), Rep. Jose "Joboy" Aquino II (Agusan del Norte 1st district), Rep. Eleandro Jesus "Budoy" Madrona (Romblon), Rep. Johnny Pimentel (Surigao del Sur, 2nd District), Rep. LRay Villafuerte (Camarines Sur), Rep. Angelica Natasha Co (BHW Partylist) na dahil sa lumalalang security threats sa West Philippine Sea, dapat daw na ibigay sa mga ahensyang ito ang dagdag na pondo upang tumugon sa mga banta sa ating karagatan at mga kababayang mangingisda.
Dagdag nila, kailangan daw na siguraduhin na ang budget allocation ay nakabatay sa pangangailangan ng bayan.
Ngunit, sa patuloy na paglahok ng pamahalaan sa mga Balikatan exercises ng US at mga kaalyado nito, at sa pag-asta ng US na "big brother", mas lalong lumalala ang tensyon sa pagitan ng bansa at ng China na nagreresulta sa pagpondo sa militar para sa modernization program upang bumili ng armas, confidential funds, pagpapanukala ng Mandatory ROTC, at mataas na sahod para sa mga uniformed personnel, imbis na ilaan para sa pangangailangan ng batayang sektor.
Sa karagdagan, kung sa usapin naman ng akses ng mga mangingisda sa karagatan, pamahalaan din ang syang dahilan kung bakit sila nawawalan ng access dito. Ang kaliwa't kanang mga reclamation projects sa ating mga coastlines ay nagreresulta sa pagkakadisplaced ng ilang mangingisda na maaapektuhan na magiging sanhi ng pagkawala ng kanilang kabuhayan at tirahan.
When There's A Way, There's A Pork Barrel
Pero tingnan natin ang totoong isyu. Ang Confidential at Intelligence funds ng Administrasyong Marcos-Duterte ay walang pinag-iba sa Priority Development Assistance Funds (PDAF) noong administrasyon ni dating Pangulong Aquino—ito ay pork barrel lamang.
Ang PDAF ay isang lump-sum, discretionary fund na binibigay sa mga mambabatas noon para sa kanilang mga pet projects na naging kontrobersyal noong 2013 dahil sa pagkakabunyag ng pagnanakaw sa pondo ng bayan sa pamamagitan nito. At gaya ng PDAF noon, dapat din itong buwagin. Dahil sa napakasikretong kalikasan nito ay ginagamit ito ng administrasyon upang magnakaw ng yaman ng bayan.
Nakakapagtaka rin kung bakit malaki pa rin ang allocated funds para sa CIF kung sinasabi nila na ang armadong tunggalian sa bansa ay patapos na. Dahil sa totoo lang, hindi naman talaga nila concern ang nag-aalsang mamamayan dahil kung totoong may pakialam sila dito ay uunahin nilang mag-invest sa edukasyon, libreng pabahay, pagkain, at trabaho na makakatulong sa ating mga kababayang mahihirap, sa lungsod man o sa mga bayan, imbis na sa mga kontra-produktibong militaristikong aksyon at pasistang solusyon.
Regardless kung saan man ito ilagay… ang proposed budget para sa 2024 ay hindi para sa kabutihan at kapakanan ng bayan. Malaking cuts sa budget ng mga educational institutions, social services, ngunit mas malaking budget para sa pasismo ng pamahalaan sa pamamagitan ng mas mataas na pondo sa militar na nang-aabuso at dumadahas ng ating mga kababayan.
Alalahanin din natin na ang kalahati nito ay uutangin sa ibang mga bansa at lokal na institusyon, na mas lalong magpapahirap sa mamamayamang nagbabayad sa utang ng bayan na hindi naman ginagamit para sa kanilang kapakanan.
Kung magpapatuloy ito, aabot sa ₱15.8 trillion ang utang ng bansa sa pagtatapos ng taon, na nangangahulugang ang bawat Pilipino ay may utang na ₱138,764 na magpapabigat kanila nang hinaharap na pasanin.
Hindi rin ito dapat ito mapunta sa National Security Council (NSC) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na promotor at responsable sa mga human rights violation sa bansa.
Ayon sa human rights alliance na Karapatan, mula noong nakaraang taon, nakapagtala sila ng 60 kaso ng extrajudicial killings, 8 involuntary disappearance, 49 political prisoner na kinulong at iba pang pagsupil sa karapatan ng mamamayan.
Ginagamit din ang EO 70 o ang National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Anti-Terror Law upang mang-redtag, mang-harass, dumukot, magtortyur, at pumatay sa mga mamamayang salungat sa administrasyon. Patunay dito ang paglutang kamakailan lang nila Jonila Castro at Jhed Tamano na buong tapang na binunyag na sila ay kinidnap ng mga militar sa sariling press conference ng pamahalaan.
'Wag din natin kalimutan na ang Vice Chairman ng NTF-ELCAC at National Security Adviser ng rehimeng ito na si Eduardo Año ay isang pasistang berdugo na utak ng pagdukot kay Jonas Burgos noong 2007.
Nararapat lamang na buwagin na ang Confidential Funds at bawasan ang paggamit sa Intelligence Funds. Dapat din mas lalong ilaan ang mga pera na ito upang pondohan ang mga programa para sa kalusugan, edukasyon at social services na napapakinabangan ng taumbayan, hindi sa pasismo at pangungukarot ng iilan.
Akda ni Claude Andriel Bautista
No comments:
Post a Comment