Aabot na sa P60,000 ang funeral benefits na ibibigay ng Social Security System para sa burol at libing ng mga miyembro o pensioner na sumakabilang buhay na mula sa dating P40,000.
Ayon sa SSS Circular 2023-009, ang funeral benefit ng mga miyembrong nakapagbibigay na ng kontribusyon para sa 36 na buwan ay makakakuha ng funeral benefit na P20,000 at madadagdagan ito depende sa dami ng kanilang average monthly salary credit ngunit hindi maaaring lumampas ng P60,000.
Sabi ni SSS President and CEO Rolando Ledesma Macasaet, itinaas ang funeral benefit sa P60,000 para maengganyo ang mga miyembrong maging mas aktibo at para mapadali na rin ang pagbibigay ng funeral benefits sa claimants na online nang gagawin.
Kung ang miyembro ay nakapagbayad na ng isang buwan at hindi umabot ng 36 na buwan ang kontribusyon, ang funeral benefit ay P12,000 lamang.
Ayon sa 2022 SSS Annual Audit Report, P5.13 bilyon ang binayaran nitong funeral grants nung 2022, mas kaunti kaysa sa P5.29 bilyon noong 2021.
Ang funeral benefit ay ibabayad sa claimant. Kung buhay pa ang asawa, ang asawa ang maaaring magclaim. Kung hindi na, ang anak o ang magulang na makakapagpatunay na sila ang nagbayad ng pagpapalibing.
Ang reimbursement ng funeral expense ay ibabase sa resibo at ang expenses na covered ay ang pagpapaembalsamo, pagpapalibing at mga permits, funeral services kasama na church service fee, cremation o interment, pagbili o pag-upa ng ataul, pagbili o pag-upa ng nitso, memorial lot o columbarium o pagbayad ng memorial o funeral insurance plan.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment