Nasunog ang tatlong eskuwelahan sa Mindanao na gagamitin sanang polling precinct sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Lunes.
Nagliyab ang Ruminimbang Elementary School sa Barira, Maguindanao del Norte dakong 1:50 nang madaling araw nitong Sabado.
Ayon sa report, nangyari ang sunog sa classroom ng Grade 1 at Grade 4. Wala namang napaulat na nasawi sa naturang insidente.
Ang Barangay Ruminimbang ay tinuturing na election area na may 'grave concern' kaya posibleng may kinalaman sa eleksyon ang pagkasunog ng paaralan. Ang nasunog na mga classroom ay gagamitin sana bilang polling precinct.
Samantala, natupok din ang isang classroom sa Poona Piagapo Central Elementary School sa Old Poblacion, Poona Piagapo, Lanao Del Norte dakong 2 a.m. nitong Sabado.
"Hindi po pangkaraniwan dahil wala namang tao sa paaralan, at siyempre ngayon ay Sabado na, kalimitan wala namang pasok ang mga bata kapag Sabado. And therefore, napaka-imposible namang sabay pa kung 'yan ay electrical connection," wika ni Comelec Chairman George Garcia sa radio interview.
Aniya, kahinahinala ang pagsunog sa dalawang eskuwelahan upang masabotahe ang pagdaraos ng BSKE.
"Malapit na ang eleksyon, diyan iho-hold ang halalan, talagang kahina-hinala po 'yung pagkasunog na 'yan ng dalawang eskuwelahan," ani Garcia.
"Kinokondena natin ito kung ito man ay isang kagagawan, sinadya, na insidente. At the same time kung may kinakailangang ipapa-aresto, mapapa-aresto po agad natin," diin pa niya.
Sa pinakahuling ulat, kasama rin sa nasunog ang isang eskuwelahan sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Sur.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment