Nagsampa ng cyber libel complaint nitong Martes si Transportation Secretary Jaime Bautista laban kay Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) chairperson Mar Valbuena at mamamahayag na si Ira Panganiban.
Sa panayam kasunod ng paghahain ng reklamo sa Justice Department, sinabi ni Bautista nagsampa siya ng reklamo kaugnay ng mga alegasyong tumanggap siya ng corruption money.
"Marami silang accusations na ako raw ay tumanggap ng pera, ng suhol, hindi naman totoo. Kaya gusto ko lang protektahan ang aking pangalan na inalagaan ko for almost 45 years," pahayag ni Bautista.
Naunang inihayag ni Valbuena na inakusahan ni dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board aide Jeff Tumbado si suspended LTFRB chairman Teofilo Guadiz III ng pagdadala ng corruption money kay Bautista.
Subalit, binawi ni Tumbado kalaunan ang kanyang mga akusasyon at humingi ng paumanhin, at sinabing ang mga naging aksyon niya ay "borne out of impulse, irrational thinking, misjudgment, [and] poor decision making."
Samantala, inilarawan naman ni Valbuena ang reklamo ni Bautista bilang "purely harassment."
"Purely Harassment and abuse of power. Hindi po ako mapapatahimik ng kahit anong kaso para ilabas ang katotohanan," giit niya.
Sa kasalukuyan ay wala pang komento si Panganiban ukol dito.
"Hintayin na lang natin 'yong magiging result nung proseso. May proseso naman 'yan eh, hintayin na lang natin," ayon naman kay Bautista.
Sinabi pa ng opisyal na naisumite na nila ang inisyal na resulta ng internal investigation sa mga alegasyon ni Tumbado laban kay Guadiz sa Office of the President.
ATTY. EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment