Posibleng maharap sa diskwalipikasyon ang tumatakbong Punong Barangay at mga Kagawad sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City dahil sa kasong premature campaigning at vote-buying na isinampa laban sa mga ito.
Batay sa reklamong inihain ni Jon Jon Francisco, Pedro Villanueva at Cora Cuadra sa Commission on Election (Comelec), hiniling nila na mapatawan ng diskwalipikasyon sina Francisco Delfin, Jr., Lovely Capiral, Napoleon Ocampo, Dondon Elman, Kyle Bigcas, Jun Coronado, Ron Espiritu at Jesus Lomboy, na pawang mga kandidato sa pagka-Punong Barangay at mga Kagawad ng San Bartolome.
Ang mga kinasuhan ay tahasan umanong lumabag sa kautusan ng Comelec sa paglalagay ng campaign materials o mga tarpaulin bago pa ang itinakdang araw ng pangangampanya at kahit ang mga ito ay nakapaghain na ng kanilang Certificate of Candidacy.
May mga larawang isinumite bilang ebidensya sa mga nagkalat na campaign materials sa maraming lugar sa nasabing barangay.
Maliban sa mga pagpapakalat ng campaign posters, nakita rin ang mga ito na namimigay ng mga gamit pambahay, tulad ng aparador, kama, dining table at iba pa, na isang tuwirang paglabag sa "Kontra Bigay" at "Vote-Buying" na nakapaloob sa Omnibus Election Code at Comelec Resolutions.
Sa isang Facebook Post ng isang residente sa San Bartolome na nai-share ni Francisco Delfin, Jr. noong Setyembre 25, 2023, makikita na dumadalo si Delfin sa isang pagtitipon kasama ang mga kabataan at nakalagay sa "caption" – "siya ang taong hindi napapagod gumawa ng mabuti at tumulong sa kapwa" – Kagawad Delfin, Jr. Future Kapitan ng San Bartolome".
Batay sa Section 80 ng Omnibus Election Code o Partisan Political Activity Outside Campaign Period, malinaw na nilabag ng grupo ni Delfin, Jr. ang nasabing batas at resolusyon ng Comelec sa "Kontra Bigay" ukol naman sa pamimigay at pagpapakain ng grupo sa mga botante ng naturang barangay.
Hiniling ni Francisco, Villanueva at Cuadra sa Comelec na bigyang desisyon ang inihaing reklamo bago pa ang eleksyon sa Oktubre 30.
Sakaling pagbigyan ito ng Comelec, hindi na maaaring tumakbo bilang Punong Barangay si Francisco Delfin, Jr. at mga Kagawad nito at hindi na rin umano sila papayagang tumakbo sa mga susunod na halalan.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment