Nasa top 5 ng mga pinakamalakas mangutang sa World Bank (WB) ang Pilipinas para sa fiscal year 2023 kung saan anim na kasunduan sa utang ang sinelyuhan na nagkakahalaga ng $2.336 bilyon o P133 bilyon.
Pinirmahan ang mga loan agreement mula Hulyo 1, 2022 hanggang Hunyo 30, 2023, eksakto sa unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa online newsite na Bilyonaryo.com, kabilang sa mga utang ang $600 milyong Second Financial Sector Reform Development Policy Planning; $100 milyong Mindanao Inclusive Agriculture Development Project; $176 milyong Fisheries and Coastal Resiliency Project; $750 milyong First Sustainable Recovery Developing Policy Financing; $110 milyong Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project; at ang $600 milyong Rural Development Project Scale Up.
Magsisimula ang bayaran ng mga naturang utang mula 2028 hanggang 2052.
Ang India ang may pinakamalaking inutang sa WB ngayong 2023 na nasa $4.32 bilyon, pangalawa ang Turkey na nasa $3.88 bilyon. Pangatlo naman ang Indonesia sa $3.25 bilyon at pang-apat ang Ukraine na umutang ng $3.133 bilyon.
Noong fiscal year 2021, ang Pilipinas ang may pinakamaraming inutang sa WB na umabot sa $3.07 bilyon na karamihan ay para sa pagtugon sa epekto ng COVID-19 pandemya.
Ayon sa Bilyonaryo.com, umaabot na sa $15.179 bilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas sa WB.
ATTY. EDNA DEL MORAL – HN INVESTIGATIVE REPORTER/COLUMNIST
No comments:
Post a Comment