Hiniling ng isang senador sa Senate committee on women, children, family relations and gender equality na ipatawag sa susunod na pagdinig ng komite si Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano kaugnay ng natuklasang prostitution den malapit sa city hall.
Ang nasabing establisimiyento ay pinasok nina Senador Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian noong Biyernes upang personal na makita ang mga kuwarto kung saan nagaganap ang sexual encounter at ang torture chamber kung saan pinaparusahan ang mga ayaw makipag-sex.
Natuklasan ng komiteng pinamumunuan ni Hontiveros na karamihan sa ginawang sex slave ay mga Pi-nay. Ang prostitution den ay nasa loob ng POGO na malapit lamang sa Pasay City Hall at estasyon ng pulisya.
"Imagine 'yong mga sarili nating kababayan ikinukulong at hindi pinapalabas. Ginawang sex slaves," wika ni Gatchalian sa interview.
"May isang nagkuwento sa amin base sa kanilang interview doon sa mga kababaihan na na-rescue nila, sa isang araw o isang gabi, halos dalawampung lalaki na binibigyan nila ng serbisyo, na pinipilit sila," saad ng senador. "'Pag hindi nila gagawin ito eh may torture chamber na doon sila dadalhin, ito-torture sila."
Nang tanungin sa radio interview kung dapat ipatawag sa hearing si Mayor Calixto, sinabi ng senador na dapat lang dahil marami itong dapat ipaliwanag sa komite.
"Dapat ipatawag rin para marinig natin kung bakit nagkaganoon," katuwiran ni Gatchalian.
"Ang local government units natin dapat mas alisto sila sa mga ganitong operation," giit pa niya. "Hindi puwedeng sabihin na hindi alam ng city hall at police station ang nangyari diyan."
Samantala, sinabi naman ni Senate Minority Leader Aquilino "Koko" Pimentel III na sa natuklasang pros-titution den sa Pasay City, parang nag-i-import ng mga kriminal ang Pilipinas.
"Pati kriminal ini-import natin," wika ni Pimentel tungkol sa mga banyagang nagpapatakbo ng sex den.
CALOY CARLOS - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment