Dapat umanong mag-refund ang Manila Electric Company (Meralco) ng P200 bilyon sa may 7.7 milyong kustomer nito dahil sa kanilang sobrang siningil.
Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises nitong Miyerkules, sinabi ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na nagsimula ang sobrang sinisingil ng Meralco noong 2012.
"Based on our computations, (Meralco) has overcharged its customers by some P160 billion starting 2012," sabi ni Fernandez. "Plus interests, this could add to P200 billion, due to overcharging and extremely high weighted average cost of capital, which amounted to 14.97%, and remains unchanged up to now."
Ayon kay Fernandez, aabot sa P26,000 hanggang P30,000 ang dapat na i-refund ng Meralco sa bawat kustomer nito.
Iginiit naman ni Meralco head of utility economics Lawrence Fernandez na ang sinisingil lamang ng Meralco ay kung ano ang inaaprubahan ng gobyerno.
Sinabi pa ng opisyal ng Meralco na ang ipinapataw nitong singil ay dumaraan sa masusing pagrepaso upang matiyak na ito ay makatwiran at resonable bago ipatupad.
Ayon pa sa opisyal, walang kapangyarihan ang Meralco na magpataw ng nais nitong singil. Ang ginagawa umanong pagrepaso sa mga pinayagang singil nito ay maaaring magresulta sa refund gaya ng mga ipinag-utos na refund ng Energy Regulatory Commission.
Nais naman ng mambabatas mula sa Santa Rosa City na kanselahin o hatiin ang prangkisa ng Meralco upang magkaroon ng totoong kompetisyon na magreresulta sa pagbaba ng singil.
Sinabi ni Rep. Fernandez na ang Meralco ay naging "super franchise" sa ilalim ng Republic Act 9209 kung saan pinayagan itong magtayo, mag-operate, at magpanatili ng distribution system sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, at mga karatig lugar.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment