Naaresto ng pulisya ang suspek sa pag-masaker sa tatlong katao sa Surigao City nitong Biyernes ng gabi, Nobyembre 10.
Sa panayam, kinilala ni Surigao City Police chief Lt. Col. Diomedes Cuadra Jr. ang suspek na si Alejandro Ultado Cortes, 20, residente ng Basilisa, Dinagat Islands.
Matatandaan na nagulat ang mga residente ng Surigao City nang mabalitaan ang pagkakadiskubre sa bangkay ng tatlo katao sa isang bahay sa Sitio Looc, Barangay Luna, Surigao City nitong Biyernes ng hapon.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Mylene Golloso Virgen, 40, at dalawa niyang anak na sina John David, 13, at Mary Elizabeth, 9.
"The other daughter of Mylene Virgen who survived the incident identified the suspect as the person who committed the crime," ani Cuadra.
Dagdag pa niya, ang nakaligtas na anak ng biktima, ay karelasyon pala ng suspek at nagalit ng matindi nang malamang tutol ang ina sa relasyon ng dalawa.
Isinalaysay ng anak na babae ng biktima na siya at ang suspek ay dumating sa kanilang bahay sa Sitio Looc noong Huwebes ng gabi.
Kasunod nito ay kumuha ang suspek ng bolo at hinataw hanggang mamatay ang ina nito, at dalawang anak na nasa loob ng bahay.
Nakatakas naman ang anak na babae at nagtago sa isang comfort room ng malapit na Gawad Kalinga center sa lugar.
"The suspect is now under our custody as we are preparing for the filing of criminal charges against him through inquest proceedings," sinabi ni Cuadra.
Nahaharap ang suspek sa kasong pagpatay at paglabag sa Republic Act 7610 or the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act dahil sa pagkasawi ng dalawang menor.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment