Walong taong pagkabilanggo ang inihatol sa dalawang pulis matapos na mapatunayan sa kasong 'hulidap.'
Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang naunang hatol ng Mababang Hukuman at Court of Appeals (CA) na tatlong taon, anim na buwan hanggang 20 araw hanggang walong taon at walong buwan pagkabilanggo laban kina PO2 Ireneo M. Sosas, Jr. at SPO3 Ariel D. Salvador.
Ayon sa desisyon ng SC 2nd division na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, walang nakitang pagkakamali sa naging hatol ng korte laban sa dalawang pulis na nang hulidap ng isang negosyante noong 2013.
Sa rekord ng korte, nalaman na inaresto ng mga akusado si Janith Arbuez, tindera ng cellphone sa Isetann Mall dahil sa pagbebenta umano ng mga nakaw na cellphone.
Dinala sa presinto si Arbuez at doon hiningan ng P20, 000 kapalit nang hindi na pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Nangutang naman si Arbuez sa kanyang hipag at ibinigay sa mga nasabing pulis ang pera at kinabukasan ay pinalaya na ito at hindi na kinasuhan pa.
Kasunod nito, sinampahan naman ng kasong robbery extortion ni Arbuez ang dalawang pulis.
Bukod sa hatol ay inatasan rin ng SC ang mga akusado na bayaran ang biktima ng P20,000 bilang danyos.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment