Sinampahan na ng kasong kriminal ang driver ng SUV na umararo sa loob ng isang bangko sa Greater Lagro, Quezon City noong Huwebes ng hapon na ikinasawi ng isang kliyente, habang anim pa ang nasugatan.
Ayon kay Quezon City Police District Director P/Brig. Gen. Redrico Maranan ang driver ng SUV na isang Toyota Fortuner Wagon (AWA-2536 ) na si Edwin Balisong, 57, ay isinailalim na sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutors Office noong Biyernes.
Si Balisong ay ipinagharap ng mga kasong reckless imprudence resulting to homicide , multiple physical injuries at damage to property.
"Na-inquest. Kinulong na natin at kinasuhan," pahayag ni Maranan sa panayam ng mga reporters nitong Sabado kaugnay ng follow-up sa kaso.
Ayon naman sa Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit,ang pag-atras-abante ng SUV ay nakunan pa sa CCTV ng bangko sa Novaliches-Lagro Branch na nasa Quirino highway, Brgy. Pasong Putik , Lagro ng lungsod dakong alas-5:30 ng hapon. Ang sasakyan ay pumasok pa sa loob ng customer area kung saan isang kliyente ng bangko na kinilalang ang nasagasaan sa loob at nasawi, habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Sa nasabing insidente maliban pa pagkasugat ng pito pang katao kabilang ang isang security guard, dalawang tellers at apat na kliyente ay nasira rin ang mga teller booth at maging ang mga upuan sa loob ng bangko.
Lumilitaw sa imbestigasyon na sinenyasan pa ng isa sa mga guwardiya ng bangko na iatras ang sasakyan na inabante ng driver pero matapos itong mag-atras- abante ay tuluy-tuloy na inararo ang bangko hanggang sa pumasok ito sa loob.
"Upon initial investigation naming, nagkamali raw po siya. Napa-abante siya at pag-abante niya at na lose control po siya sa pedal," pahayag ni P/ Capt. Joan Vela, Chief of the Quezon City Police District Traffic Management Unit.
Sa pahayag naman ng ilang mga testigo, amoy alak umano ang driver ng SUV nang mangyari ang insidente.
Kaugnay nito, nagpalabas na ng pahayag ang bangko na sinabing masusi silang nakikipagkoordinasyon sa mga awtoridad hinggil sa kasong ito.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment