Ipinakakalkal ng isang grupo sa mga ahensiya ng gobyerno ang mga maling ginawa ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, dapat silipin ng gobyerno ang kuwestiyonableng ownership structure ng SMNI gayundin ang financial statements at pakikipagtransaksyon nito sa mga dayuhang kompanya gaya ng state media ng China.
Pinatitingnan din ng grupo ang posible umanong papel ng SMNI sa mga aktibidad ni Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa iba't ibang kaso ng mga krimen sa Estados Unidos.
"We urge the authorities to look deeper into the wrongdoings of SMNI," sabi ng Bayan sa isang pahayag.
Samantala, suportado rin ng Bayan ang suspensyong iginawad ng National Telecommunications Commission (NTC) at Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa SMNI dahil sa paglabag umano nito sa media standard at ethics,at pagkabigo na tuparin ang tungkulin at obligasyon ng network sa nakuhang prangkisa.
"In the first place, SMNI is not a legitimate media outlet but a propaganda platform for Apollo Quiboloy's dubious religious and political machinations," sabi ng Bayan.
Sinuspendi ng NTC ang operasyon ng SMNI ng 30 araw habang nireresolba ang alegasyon ng paglabag umano nito sa mga batas at umiiral na regulasyon.
Labing-apat na araw na suspensyon naman ang ipinataw ng MTRCB sa programa ng SMNI na "Gikan sa Masa, Para sa Masa" at "Laban Kasama ang Bayan".
Ang "Gikan sa Masa"program ay sinuspendi dahil sa pagbabanta at pagmumura umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang ang "Laban Kasama ang Bayan" ay nasuspendi sa pag-ere ng hindi berepikadong impormasyon kaugnay ng gastos sa biyahe ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Iniimbestigahan din ng House committee on legislative franchises ang SMNI kaugnay ng umano'y paglabag nito sa termino ng kanilang prangkisa na ibinigay ng Kongreso noong 2019.
Nauna na ring itinanggi ng abogado ng SMNI sa pagdinig ng Kamara na si Quiboloy ang may-ari ng network.
ATTY. EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment