Bumuo ng isang komite si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na susuri sa mga consultant, suppliers, at contractors at magsisilbing "blacklisting body" ng kagawaran.
Sa DA Special Order No. 11 na pinirmahan nitong Enero 4, 2024 bumuo ng dalawang grupo si Laurel.
Isang grupo ang tututok sa mga reklamo na isasampa habang nasa procurement stage pa lamang ang bidding. Tututukan naman ng isa pang grupo ang mga reklamo kapag nasa contract implementation na ang bidding.
Parehong pamumunuan ni Atty. Willie Ann M. Angsiy, na director ng Legal Service ng DA, ang dalawang grupo. Pareho rin ang vice chairperson nito na si Atty. Melinda D. Deyton na hepe ng Procurement Division ng DA.
Tungkulin ng komite na timbangin at suriin ang mga reklamo at alamin kung may sapat na dahilan para sa blacklisting. Trabaho rin nilang mangalap ng ebidensyang magpapatunay sa mga reklamo at magsagawa ng pagdinig.
Titimbangin din ng komite kung may sapat na dahilan para irekomenda ang suspensiyon, pagbawi ng kontrata o pag-forfeit ng bid security.
Obligado ang komite na maglabas ng resolusyon kung saan ilalagay ang findings at rekomendasyon nito sa loob ng 30 araw pagkatanggap ng reklamo.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment