Pinalagan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang panukalang P350 legislated wages hike at ibinabala na lubos itong makakasama sa ekonomiya.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis, 90 percent ng enterprises sa bansa ay nasa micro category, 8 percent ang small, 1 percent ang medium at less than 1 percent ang considered large scale.
Para makayanan ng mga micro-enterprise ang ganoong kalaking pagtaas ng minimum wage, kailangan ng marami na ipasa ang singil na ito sa kanilang mga consumer.
"Ang computation ng mga expert no, I think NEDA, yung 5 percent increase sa wage 1.2 percent ang additional inflation. Eh itong hinihinging P100 about 15 to 20 percnet yan, at the very least 2 percent. Yung P350 'Goodbye Philippines!' Naiisip mo ba ang P350? That is 50 percent of the existing salary… Eh di lalagpasan pa natin yung 8 percent na pinakamataas nating inflation," paliwanag ni Ortiz-Luis.
Matapos aprubahan kamakailan ng Senado ang P100 minimum wage adjustment, nagkaroon ng consensus ang House of Representatives na maaaring hindi sapat ang nasabing halaga at tinitingnan ngayon ang mga rekomendasyon mula P150 hanggang P350 kada araw.
Ngunit binigyang-diin ni Ortiz-Luis na 16 porsiyento lamang, o 8 milyon sa 52 milyong manggagawa sa bansa ang maaaring direktang makinabang sa minimum wage increase, habang ang tumataas na inflation ay tumatama sa bawat isang Pilipino.
Ipinunto din ni Ortiz-Luis na ang pagtaas ng sahod ay hindi nangangahulugang tumaas ang kapangyarihang bumili ng mga minimum wage earners.
"What do you do with the 44 million?…Marami diyan yung informal sector farmers, fisherfolks, jeepney drivers, taxi drivers, vendors… pagka nagkaroon ng inflation collateral damage lahat 'yon," aniya pa.
Para sa ECOP, ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang pinaka-epektibo at layunin na mekanismo para sa pagtatakda ng sahod, dahil ito ay protektado mula sa mga panggigipit sa pulitika.
Noong 2023, lahat ng 16 na regional wage board ay naglabas ng dagdag sahod para sa mga minimum wage earners mula P30 hanggang P50.
Kung makikialam ang mga mambabatas, lilikha ito ng impresyon ng "hindi matatag na mga patakaran" na lalo na makakaapekto sa mga potensyal na mamumuhunan, ayon kay Ortiz-Luis.
Para sa Department of Labor and Employment, mahalagang pag-aralan ng maigi ang nasabing mga panukala, upang hindi maapektuhan ang umiiral at inaasahang trabaho.
Itinanggi rin nito na pinapaboran ang mga employer, na binanggit na ang kamakailang pagsasaayos ng sahod na inilabas ng mga regional wage board ay patunay na ang kasalukuyang mekanismo sa pagtatakda ng sahod ay epektibo at ang ahensya ay sumusuporta sa mas magandang benepisyo at sahod para sa mga manggagawa.
Gayunpaman, naniniwala rin ito na dapat kalkulahin ang mga pagsasaayos ng sahod.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na may iba pang paraan upang mapabuti ang buhay ng mga manggagawa, kabilang ang non-wage benefits at tulong mula sa gobyerno.
ATTY. EDNA DEL MORAL
No comments:
Post a Comment