Inatasan ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (Miaa) na magsagawa ng inspeksyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals 2 at 3 hinggil sa kanilang kalinisan bunsod na din ng mga natanggap nilang reklamo mula sa social media na ilang pasahero ang nakagat ng mga surot.
Nag-ugat ang kautusan makaraang makatanggap sila ng impormasyon mula sa dalawang post sa facebook na may surot umano ang mga upuang bakal at rattan sa mga nabanggit na terminal.
Ang mga indibidwal na nag-post tungkol sa insidente ay ipinost pa ang mga larawan ng kanilang mga binti at hita na pinaniniwalaan nilang mga kagat ng surot.
Sa isang pahayag noong Miyerkules, sinabi ni MIAA General Manager Eric Ines na inutusan niya ang mga terminal manager na tingnan ang bagay at magbigay ng ulat sa loob ng 24 na oras. Inatasan din sila ni Ines na magrekomenda ng mga solusyon sa problema sa surot.
Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng MIAA sa mga biktima at tiniyak nila na agad nila itong aaksyunan.
Nabatid na sa isinagawang pagsisiyasat ay nakumpirma na ang mga terminal ay nakatanggap ng mga reklamo at ang dalawa sa mga nakagat ay agad na binigyan ng tulong medikal ng kanilang mga medikal team ng MIAA.
Sinabi ng MIAA na ang mga upuan na tinukoy sa mga ulat ay tinanggal na, habang ang kanilang isinasagawang disinfection ay kanilang ipagpapatuloy.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment