Pinaiimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang viral video ng isang guro na nanenermon sa mga estudyante at nagbitaw ng masasakit na salita.
Ayon kay DepEd deputy spokesperson Assistant Secretary Francis Bringas, bineberipika na nila ang viral video at kung ano ang nag-udyok sa kaniyang mga aksyon at mga nalabag na karapatan ng mga bata.
"We are verifying the report from the field and will require a complete incident report to determine the next course of action in accordance with existing DepEd policies," ayon kay Bringas.
Batay sa Child Protection Policy na inilabas ng DepEd noong 2012, ''any act by deeds or words that debases, degrades, or demeans the intrinsic worth and dignity of a child as a human being'' ay itinuturing na child abuse.
Una nang kumalat sa social media ang video kung saan isang babae ang nanenermon at nagbibitaw ng mapanlait na salita sa mga mistulang mga estudyanteng sa kaniyang harapan, bagamat hindi naman ito nakikita sa kuha ng video.
"Hindi ako nag-board exam para lang hindi irespeto ng mga katulad niyong wala pa namang nararating sa buhay. Hindi na nga kayo matalino, sama pa ng ugali ninyo," pahayag ng guro sa nasabing video.
Sa reaksyon naman ng Teachers' Dignity Coalition, hindi nila kukunsintihin ang ganitong uri ng panenermon bagamat nagpahiwatig din na huwag agad husgahan hanggat hindi pa naiimbestigahan ang buong pangyayari.
Naniniwala ang grupo na mahalaga naman na disiplinahin ang mga estudyante at dapat na muling pag-aralan ang patakaran sa child protection.
Dapat din aniya na isaalang-alang ang napakaraming mga kaso na kinakaharap ng mga guro sa henerasyon ngayon, na hindi lamang dahil sa mga mag-aaral, kundi pati sa mga magulang.
CALOY CARLOS - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment