Isinasailalim ngayon sa interogasyon ng National Bureau of Investigation – National Capital Region (NBI-NCR) ang isang drug supplier na mahigit isang dekada nang nagsasagawa ng door-to-door delivery ng iligal na droga sa mga negosyante at celebrity.
Hindi muna pinangalanan ng NBI ang naarestong suspek matapos na pasukin ang isang apartment sa Mandaluyong bitbit ang search warrant.
Nakumpiska ng NBI-NCR ang hinihinalang cocaine, isang automatic assault rifle na may scope at isang baril.
Ayon sa NBI-NCR, sa tulong ng isang informant ay nabisto ang pagde-deliver ng door-to-door droga ng suspek na mahigit isang dekada na niyang ginagawa at hindi umano basta-basta ang kanyang mga parokyano.
"Engaged siya sa pagbebenta ng mga party drugs tulad ng mga ecstacy at cocaine. He supplies his drug merchandise sa mga high end na bar sa Alabang, sa BGC and Makati. Merong mga celebrities at part ito sa magiging follow up investigation natin dahil may mga celebrities, hindi lang celebrities may mga businessman na client daw siya," ayon kay Rommel Vallejo, Regional Director ng NBI-NCR.
Nadiskubre rin ng NBI na ang natagpuang mga baril sa kanyang bahay ay ipinagpalit umano ng kanyang mga parokyano kapalit ng droga.
Kaugnay nito, inaalam pa ng NBI kung sinu-sino ang mga celebrity at negosyante na kliyente ng suspek.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment