Sumirit ang dugo ng mga magsasaka
sa binubungkal nilang lupa;
gigilitan ng karit ang mga demonyong
naglatigo sa kanila ng bala.
Naghumiyaw sa pagluluksa ang mga kasama ng aktibistang
tinadtad ng saksak at kinaladkad sa lansangan;
sisiklab dito ang galit ng masang anakpawis
at lalapnusin nito ang estadong hudas.
Naghingalo sa gutom at uhaw
ang mga manggagawang nasa pagawaan;
dudurugin ng maso ang bungo
ng mga nagkait sa kanila ng kabuhayan.
Naghinagpis ang mga katutubo
na tinakot at inagawan ng lupa;
tatanganan nila ang armas
upang mabawi nila ang nakaraan at kinabukasan.
Bumungad sa dyaryo ang balita
ng dinukot at pinatahimik na mamamahayag;
tutuklawin ng kanyang panulat
ang mga nakaupong Satanas sa palasyo.
Pinagdamot at ginawang tropeyo ng mga sundalo
ang bangkay ng martir ng sambayanan;
pagpupugayan ang martir ng kanyang mga kasama at dadami pa
ang tatahak sa pinakamataas na porma ng pakikibaka.
Ginawang impyerno ng mga nasa trono
ang bayang nilikha ng mga Mesiyas;
magluluwal ito ng mga pag-aaklas
ng bawat isa sa kanila, ang tunay na kalayaan.
No comments:
Post a Comment