SANTA ROSA CITY, Laguna - Namahagi ng cash assistance si Vice-Mayor Arnold Arcillas para sa mga mag-aaral na nasa ilalim ng College Educational Assistance Program ng pamahalaang lungsod. Ang nasabing programa ay upang makatulong sa mga kabataang nais makapag-aral sa kolehiyo, ngunit wala sapat na kakayahang pinansiyal.
Ayon sa Bise-Alkalde, laging naka-alalay ang pamahalaang lungsod lalong-lalo na silang magkapatid na si Mayor Arlene sa kapakanan ng mga kabataan, nais nilang magkaroon ng maayos at masaganang kinabukasan ang mga kabataan. Natuwa naman si Vice-Mayor Arcillas sa kasipagan at determinasyon ng nasabing mga recipients ng CEAP upang makapag-patuloy sa kanilang pag-aaral.
Ayon naman kay Mayor Arlene Arcillas, naging isa sa mga pangunahing adhikain ng kanilang pamilya ang makatulong sa mamamayan, at lalo na sa mga kabataan. Aniya, nakasalalay sa magandang kalidad ng mga kabataan ang kinabukasan ng lungsod. At mas makakadagdag sa mga pamilyang magiging maunlad at progresibo sa darating na panahon.
Hinimok naman ni Vice-Mayor Arcillas ang iba pang mga kabataan na maglaan ng panahon sa pag-aaral at sikapin na pagyabungin pa ang kanilang mga talino, abilidad, at sipag upang makapagtapos sa pag-aaral. At nangako naman ito na patuloy ang magiging suporta nilang magkapatid sa lahat ng programa ng pamahalaang lungsod para sa kapakanan at ikabubuti ng bawat kabataan. (Ulat ni: LAARNI BARAIRO)
No comments:
Post a Comment