Lumabas sa pinakahuling pag-aaral ng Social Weather Station na halos 50 porsyento ng pamilyang Pilipino ang itinuturing ang kanilang mga sarili na nagdarahop o salat sa kabuhayan.
Lumabas ang nasabing pag aaral ng SWS kasunod ng panawagan naman ng iba't-ibang labor groups na ipasa na ang legislative wage hike na P150, dahil hindi na kinakaya ng pamilyang Pinoy ang taas ng mga bilihin.
Napag-alaman na base sa March 21-25 survey na inilunsad ng SWS ay lumitaw sa pag-aaral na may 46 percent ng pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap.
Katumbas ito ng 13 million families na hindi lumayo kumpara sa isinagawang survey noong Disyembre 2023 na 47 percent ang nagdeklarang sila ay maralita.
Pinakamataas na naitala sa isinagawang self-rated poverty poll ang Visayas na may 64 percent, habang 56 porsyento naman ang nagsasabing sila ay mahirap sa rehiyon ng Mindanao, habang sa Luzon, maliban sa Metro Manila, ay may 38 percent 'self-declared poor families' at 33 bahagdan naman ang naitala para national Capital Region.
Samantala , may 30 porsyento naman ng pamilyang Pilipino ang nagsasabing nasa gitna o borderline sila ng pagiging mahirap habang 23 percent ang nagsasabing hindi sila purdoy.
Nasa 33 porsyento naman ng mga pamilya ang nagsasabing sila ay salat sa pagkain or "food-poor" base sa uri ng kanilang kinakain.
"As of March 2024, the percentage of Self-Rated Food-Poor families was highest in the Visayas at 46 percent, followed by Mindanao at 44%, Metro Manila at 28 percent, and Balance Luzon at 24 percent," anang SWS .
Samantala, kinalampag muli ng ilang labor groups ang Kongreso na isabatas na ang panukalang dagdag na ?150 na daily wage.
Ayon sa grupong National Wage Coalition, hindi na kinakaya ng mga manggagawa ang mahal na bilihin at hindi na rin akma ang kasalukuyang sweldo na natatanggap ng mga ito.
Ang panukalang legislated wage hike ay matagal ng nanakahain sa Kongreso subalit hanggang ngayon ay nakabitin ito sa committee level.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment