Sinibak na sa kanilang tungkulin ang dalawang pulis na nahuli umanong nagtatalik sa loob ng sasakyan sa parking lot ng isang mall pati na rin ang mga asawa nilang mga pulis din, na nakahuli sa kanilang pagtataksil.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo, inilagay ang dalawang complainant sa restrictive custody sa holding unit ng Calabarzon Police Regional Office.
Naka-hospital arrest naman ang lalaking pulis na binaril ng kanyang asawa.
Maliban sa mga kasong adultery at concubinage, may dagdag pa umanong kasong attempted homicide na kakaharapin ang mga pulis na nahuli umanong nagtatalik dahil sa tangkang pagsagasa sa kanilang mga asawa.
Abril 25 nang mahuli umano ng kanilang mga asawang pulis ang mga suspek na nagtatalik umano sa loob ng sasakyan sa Barangay Canlubang, Calamba City, Laguna.
Sinubukan umanong tumakas ng mga suspek sakay ng kanilang sasakyan ngunit binaril ng lalaking complainant ang isa sa mga gulong ng sasakyan.
Binaril naman ng babaeng complainant ang kanyang asawa.
Ayon sa Laguna Police Provincial Office, tanging ang lalaking suspek na nagtamo ng mga tama ng bala sa binti at balikat ang nahuli ng mga opisyal na dumating sa lugar habang nakatakas ang babaeng suspek.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment