Nilinaw ng Philippine National Police na kapatid mismo ng biktimang Grade 7 student ang suspek sa pagkamatay nito at hindi pinasok ng sinasabing armadong lalaki kamakalawa sa Barangay Cansojong, Talisay, Cebu.
Ayon kay PNP-Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, nahulog ang baril ng kuya ng biktima na noo'y nakahiga at pumutok na tumama ang bala sa biktima.
"Ang totoo po aksidente po itong namatay dahil 'yung isang kapatid po niya ay nalaglag po ang baril mula bulsa at tumamang aksidente ang bala sa kapatid nya na during that time ay nakahiga po," ani Fajardo.
Sinabi ni Fajardo na sasampahan ng kasong obstruction of justice at reckless imprudence resulting in homicide ang kapatid ng biktimang si Jacqueline Reponte.
Nahaharap din sa kasong obstruction of justice ang hipag at tatay ng biktima nang pagtakpan nila ang nangyaring krimen.
Nabatid na itinago ng ama ng biktima ang baril na walang lisensiya matapos ang insidente. Nakuha na rin ng mga pulis ang baril at isinasailalim sa ballistics examination.
"Mali po 'yung unang lumabas na pinalabas nila na may pumasok doon at sinira pa nila ang pinto para masuportahan ang sinasabi nila na may pumasok na ibang tao doon at binaril 'yung bata ay sinira pa nila ang pinto para palabasin na pagnanakaw ang motibo but the truth and in fact 'yung kapatid po ang aksidenteng nakapatay," dagdag pa ni Fajardo.
Napag-alaman na nakakuha ng kopya ng CCTV ang mga pulis kung saan maririnig ang usapan ng mga sangkot na krimen at pagtatakip sa krimen.
Lumilitaw din na sangkot ang suspek sa kaso ng illegal drugs.
ANGHEL MIDRERO - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment