Tahasang sinabi ni dating Senador Panfilo "Ping" Lacson na isang "scrap of paper" lamang ang nag-leak na dokumento mula sa isang dating agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa Authority to Operate and a Pre-Operation Report, parehong may petsang March 11, 2012 na nilabas ng US-based vlogger na si Maharlika at pinatulan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, isinasangkot dito ang pangalan ni Pangu-long Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., Maricel Soriano at iba pa sa paggamit umano ng ilegal na droga sa isang condominium sa Rockwell, Makati City.
Sa kanyang pinost sa X, (dating Twitter), binanggit ni Lacson na may nag-leak na dokumento at maaaring ang agent ang gumawa ng intelligence report.
Gayunman, ang nasabing report ay hindi naisumite para sa initial evaluation ng kanyang immediate superior.
"There is no official report on record. It is a scrap of paper. Ang daming inabalang tao," diin ni Lacson na naging hepe ng Philippine National Police (PNP) sa administrasyon ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada.
"Tama ang nakabiting tanong ni Sen. Chiz. Hanggang kailan ba 'to matatapos magpapatawag ng resource persons?" giit pa niya.
Sa hearing ng komiteng pinamumunuan ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa noong Lunes, inusisa ni Escudero ang PDEA kung magiging bahagi ng record ng ahensiya ang report na ginawa lamang ng kanilang agent.
Sagot naman ni Atty. Francis Del Valle, PDEA acting Director-Legal and Prosecution Service, magiging personal file lamang ito ng agent at hindi magiging bahagi ng official record ng ahensiya.
Ginisa ng mga senador ang dating PDEA agent na si Jonathan Morales. Nagpahiwatig din ng pagkadismaya ang ilang senador sa patuloy na pagdinig sa naturang isyu kahit hindi tatayo sa korte ang dokumento.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment