Ipatatawag ng Kamara de Representantes ang mga opisyal ng nakaraang administrasyon para sa isasagawang imbestigasyon kaugnay ng sinasabing "gentleman's agreement" nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Sa press briefing nitong Lunes, Abril 29, natanong si Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung sino ang mga iimbitahan sa isasagawang pagdinig.
"Past officials… we'll start with the past officials, kasi sila rin ang dapat ang nag-e-execute kung may agreement, sila dapat ang… siguro 'yong foreign affairs nila, 'yong Executive Secretary, kung may EO (Executive Order) 'di ba? At saka 'yong mga nagsalita na meron, pero 'yong iba, meron din isang press secretary nagsalita na meron, 'yong isa naman wala naman daw," sabi ni Romualdez.
"So ano ba talaga? Nabubudol-budol na naman — binudol na nga nila 'yong China, ngayon nagbubudulan sila d'yan sa loob ng dating Gabinete," dagdag pa nito.
Sinabi ni Romualdez na nababahala ang mga miyembro ng Kamara kaugnay ng posibleng implikasyon ng "gentleman's agreement" sa karapatan ng bansa sa WPS.
"So we'll try to ferret out the truth kung ano ba talaga, kasi our President said he was horrified, so are we, kasi nakaka-disappoint nga na merong isang gentleman's agreement — although may nagsasabing meron, merong sinasabing wala. So dapat malaman natin ano ba talaga, ano ba talaga ang kasunduan doon kasi 'yon po ang ini-invoke ng China ngayon," punto ni Romualdez.
Inakusahan ng China ang administrasyong Marcos na hindi kinikilala ang kasunduang nabuo umano noong panahon ni Duterte kaugnay ng mga resupply mission sa mga sundalo na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal, na bahagi ng WPS.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment