Hinamon ni Senate President Francis "Chiz" Escudero ang Senate committee on women, Children, Family Relations and Gender Equality sa pamumuno ni Senador Risa Hontiveros na patunayan ang akusasyon kay Banbam Mayor Alice Guo.
Sinabi ni Escudero, isang abogado, na nasa nag-aakusa ang "burden of proof" sa ibinabatong alegasyon laban kay Guo kung may kadahilanan ang pagdududa ang kanyang background.
"May rason para mag-alanganin tayo—pero 'yung presumption [of innocence] ay nananatili pa rin. Siya'y nakatakbo, siya'y registered voter, may passport siya na Filipino siya. Nasa nagsasabing hindi na patunayan 'yon," ayon kay Escudero sa Kapihan sa Senado kamakailan.
Sinabi pa ni Escudero na dapat pangunahan ng Solicitor General ang pagkuwestiyon sa citizenship at kwalipikasyon ni Guo bilang mayor sa pamamagitan ng quo warranto case.
Iginiit pa ng lider ng Senado na sakaling suspendihin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Guo ay dapat may basehan.
"Since she has already been proclaimed, however, the ball is now in the hands of the Solicitor General," wika niya.
Binanggit din niya ang kaso ni Senator Grace Poe na kinuwestiyon ang citizenship sa Supreme Court dahil sa pagiging foundling.
"May analogy, ito, may passport pa nga, eh. Si Senator Grace, ginamit din naming rason 'yon sa kaso—may passport, may ID, may license… So, patunayan niyong hindi," giit ni Escudero.
"Hindi pwedeng, 'Ay, hindi namin alam kung sino kaya siguro Amerikano 'yan.' 'Ah, hindi namin alam kung sino 'yong nanay, eh. Iyong tatay Chinese, so Chinese siguro 'yan.' There's a basic principle in law: He who alleges must prove the same," patuloy ng senador.
"Iyong nag-a-allege na hindi, dapat patunayan. Kung mapatunayan, eh di dapat tanggalin."
Lumutang ang pagkuwestiyon sa citizenship ni Guo matapos matuklasan na siya ang tumulong sa pagproseso ng dokumento sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban.
Kahit nakaladkad si Guo sa POGO issue, sinabi ni Escudero na walang kasong isinampa sa mga inaresto sa ginanap na paglusob sa POGO hub sa Bamban nitong Marso.
"Kung iligal na POGO 'yan at may kinalaman siya, dapat 'yan sampahan ng kaso. Marahil 'yon ang mas malakas na kaso para suspindihin siya—preventive suspension man lang—kaysa 'yung citizenship na dapat ihain ng Solicitor-General's office," giit niya.
"Ang palagi kong lang tanong, ha, sa dami ng nire-raid bakit ba wala akong nakikitang hinuhuli? Bakit wala akong nakikitang kinakasuhan at nakukulong? Kung may mga krimen talagang ginawa ang mga 'yan, bakit deportation lang ang solusyon? Bakit walang kaso? Asan 'yong criminal case?" tanong pa ni Escudero.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment