Maaaring magsagawa ng 'unli' probe ang Senado kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ayon kay Senate President Francis "Chiz" Escudero.
Sinabi ni Escudero nitong Martes na hindi siya papayag na pigilan ang imbestigasyon ng Senado kay Guo hanggang makuha ni Senator Risa Hontiveros ang nais niyang makuhang impormasyon.
"Puwede siyang mag-hearing nang unli hanggang gusto niyang mag-hearing o hanggang matapos ang nais niyang makuha ang impormasyon at kaalaman para maghain ng panukalang batas na magagamit ng ating mga kababayan at bansa," ani Escudero.
Ipinunto rin ni Escudero na may inihaing resolusyon si Hontiveros at desisyon niya bilang chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kung hanggang saan ang pagdinig.
"May resolusyon na inihain si Sen. Risa at desisyon ng chairman kung itutuloy 'yan o hindi at hanggang saan. At ang nagsisilbing giya para sa hearing na 'yan ay 'yung resolusyon inihain mismo ni Sen, Risa," ani Escudero.
Iniimbestigahan ng komite ang diumano'y human trafficking at mga criminal activities na nauugnay sa mga offshore gaming operations, kabilang ang mga sinasabing may kaugnayan kay Guo.
Kinontra ni Escudero ang sinasabi ni Teresita Ang See na nagiging anti-China na ang "narrative" sa imbestigasyon.
"Pinapayuhan ko rin si Ms. Ang See na suriin 'yung resolusyon dahil 'yan ang magiging giya at tema dapat ng pagdinig," wika niya.
Iimbitahan sa susunod na pagdinig ang sinasabing ama ni Guo na si Chinese national Jianzhong Guo o Angelito Guo.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment