Aalamin ng Senado kung may makapangyarihang taong nasa likod ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ayon kay Sen. Risa Hontiveros.
Inamin ni Hontiveros na sa kasalukuyan, wala pa silang positibong impormasyon na may protektor si Mayor Guo pero umaasa itong malalaman din nila ito sa mga susunod na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Umaasa rin ang chairperson ng komite na may ibibigay na impormasyon ang mga intelligence agency ng bansa sa gagawing executive session o closed door meeting ng komite.
"Well 'yan ang hindi pa natin alam. Siguro malalaman natin, lalo na sa executive session at hanggang sa huling hearing," paglalahad ni Hontiveros sa interview ng DZRH.
Sa ngayon aniya, ang suspetsa pa lamang nila ay pinatakbo si Guo noong 2022 elections upang protektahan ang operasyon ng POGO sa Bamban.
"Ayon mismo sa Comelec, nakapagrehistro siya bilang botante 2021 lamang. Tapos biglang 2022, nakapag-file na ng certificate of candidacy bilang mayor at nanalo. So parang pinakasuwerte 'yung first time voter na siguro siya. Rehistradong 2021, tumakbo at nanalo 2022. So 'yun po 'yung aming din inestablish paano nangyari 'yun? At ang importante pa, ito ba, 'yung kanya bang pagiging mayor ay para proteksiyunan 'yung PO-GO sa Bamban?" ani Hontiveros.
Aniya, may hinala rin ang komite na sangkot sa pang-eespiya at hacking sa mga government agency ang mga establisimiyentong tinayo sa Baofu Land Development Inc. ni Mayor Guo kaya mahalagang mabusisi ang anggulong ito
"Kung meron pang ibang aktor sa likod ng lahat ng ito, particular dyan sa Bamban. Isang aktor na nasa labas ng ating bansa. At siyempre dahil hindi Pilipino, hindi pambansang interes ng Pilipinas ang pangunahin," ani Hontiveros.
Itinanggi na ni Mayor Guo na may kinalaman siya sa operasyon ng POGO hub dahil lupa lang niya ang pinagamit at matagal na rin umano siyang nag-divest sa Baofu Land.
CALOY CARLOS - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment