Iginiit nitong Lunes ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na maraming butas o pagkukulang ang batas kaya nalusutan ang pamahalaan at nakapagtayo ng resort sa sikat at "protected" area na Chocolate Hills sa Sagbayan, Bohol na naging viral sa social media matapos batikusin ng netizens.
Ito ang lumabas sa pagdinig kahapon ng Committee on Natural Resources na pinamunuan ni Negros Occidental 2nd District Rep. Alfredo Marañon, ukol sa ilegal na pagpapatayo ng Captain's Peak resort sa Chocolate Hills na tinaguriang national heritage, at idineklarang geological park ng UNESCO.
Partikular na tinukoy ni Tulfo ang kapabayaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa pagpayag nito na maipatayo ang nasabing resort.
"The problem na nakita ng committee na ito, headed by Chairman Marañon, was may loopholes, may gray area. Tama yung sinasabi ni Chair na dapat ito is DENR's job," Ani Tulfo,
Napag-alaman na ang Captain's Peak ay nakatayo sa tinaguriang "alienable and disposable land" na ideneklara ng pamahalaan noong pang 1920s na ang ibig sabihin ay pwede na itong maibenta sa pribadong indibidwal.
Sa pamamagitan naman ng Proclamation No. 1037 noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos ideneklara ang Chocolate Hills na isang "natural monument" para protektahan ang Chocolate Hills at nagbabawal sa ano mang struktura sa naturang lugar.
Pero noong panahon naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo inamyendahan ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 333 at pinagbawalan lamang na makapagpatayo ng struktura sa Chocolate Hills at 20 meters mula sa baseline ng bawat hill.
"Yung sinasabi nila, kahit nasabihin nila 1926 pa, alienable, pwede na ibenta, pwede na i-develop yung lugar na yun. Pero por diyos por santo, I mean, national heritage, tourist attraction, lalagyan mo naman kung ano-ano, hindi maganda sa mata, di ba?," ayon pa kay Rep.Tulfo.
"Dapat kinorect ng secretary ng DENR noon si dating Pangulong Ramos. Nasa kamay nila ito to correct it. Pero hindi lang kinorect. So, may naging problema. Kaya nga ngayon, itong committee ngayon, we heard a lot already. We will do something about it," pahayag ni Tulfo.
Kinatigan naman ni Rep. Marañon at maging ni Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel, na base sa kanilang imbestigasyon, malaki ang pagkukulang ng DENR dahil sa pagpayag sa pagpapatayo ng kontrobersyal na resort sa kabila nang ito ay pinagbabawalan ng batas.
"Well, you heard earlier during the discussions that somehow DENR also was remiss on their job. So, yes, DENR was also remiss there," ani Marañon.
Ayon sa mga mambabatas, mula sa resulta ng kanilang imbestigasyon ay agad silang gagawa ng rekomendasyon para itama kung ano man ang mga mali sa batas at para hindi na maulit ang kasunod na insidente sa darating na panahon.
"Yun ang pinupuntahan ng tao. Kaya nga, mabuti naman napatigil natin ito, na- national attention, pati ang taong bayan ang sumisigaw na there's something wrong.
Kaya nga, Congress stepped in and we found out and then we were telling them na mali yan," pahayag pa ni Tulfo.
"So, I guess they really have to fix that. Mabuti naman na it was brought to our attention para kami naman sa Congress can fix this yung mga batas kung meron mga gagawin, which I'm sure kailangan i-adjust. Kaya nga, we did this hearing," pagtatapos ni Rep. Tulfo.
ANGHEL MIDRERO - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment