Sinimulan na ng House of Representatives ang kanilang preparasyon para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.
Isang interagency coordination meeting ang isinagawa sa pagitan ng Kamara, Office of the President, Senado at iba pang ahensya.
Ayon kay House Secretary Geneal Reginald Velasco natalakay sa unang meeting ang mga programa, senaryo, room assignments, medical updates, paghahanda sa plenaryo, seguridad, ruta ng trapiko at media coverage.
Sa panig ni House Sergeant-at-arms retired Police Maj. Gen. Napoleon Taas sinabi nito na gaya ng mga nakaraang taon ay mahigpit na seguridad pa rin ang ilalatag.
Iprinisinta naman ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Head of Special Events Emmanuel Miro ang traffic at deployment plan ng ahensya, na kinabibilangan ng ruta ng mga VIP, mga alternatibong ruta at mga operasyon sa pagpapaluwag ng mga lansangan.
Kumatawan naman kay Senate Secretary Renato Bantug Jr. si Senate Office of International Relations and Protocol Director General Antonio de Guzman Jr., at kanyang tiniyak na ang SONA task force ay lubos na nakatutok ang Office of the Senate President at ang Senate Secretariat, para makipagtulungan sa Kamara at OP para matiyak ang matagumpay na SONA.
Sa July 22, 2024 nakatakda ang ikatlong sona ni Pangulong Marcos.
ATTY EDNA DEL MORAL
No comments:
Post a Comment