Hinikayat ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga opisyal at miyembro ng Quezon City Police (QCPD) na gawing inspirasyon ang ipinakitang serbisyo sa bayan at pamumuhay ni Gen. Tomas Karingal.
Personal na dinaluhan ni Belmonte, kasama si QCPD Director PBrig. Gen. Redrico Maranan, command group, police station commanders at pamilya Karingal ang ika-40 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Gen. Karingal na isinagawa sa Camp Karingal nitong mayo 24 ng umaga.
Ayon kay Belmonte, hindi malilihis ng landas ang mga pulis kung isasaisip lang ng mga ito ang mandato na paglingkuran at proteksiyunan ang publiko, karapatan at bansa.
"Ang inyong serbisyo ay isa sa pinaka-kailangan ng bayan. Gamitin ninyo ang inyong kakayahan at talino upang mapaunlad ang ating komunidad at bansa. At tulad ni Gen. Karingal, ipanata ninyo ang inyong katapatan sa serbisyo at sa bayan," ani Belmonte.
Sinabi ni Belmonte na hindi matatawaran ang kabayanihan at mga natamong parangal ni Gen. Karingal kung saan ipinangalan pa sa kanya mismo ang nasabing kampo. Aniya, magsisilbing gabay ng mga pulis at sa mga susunod na henerasyon ang legacy ni Gen. Karingal na nagpakita ng talang, dangal at dedikasyon sa kanyang tungkulin.
Nangako naman si Gen. Maranan na magiging tapat sa bansa at publiko ang buong puwersa ng QCPD at pipiliting hindi masangkot sa anumang kontrobersiya na makaaapekto sa imahe ng PNP. Ikinagalak din niya ang pagdalo ni Mayor Belmonte sa ika-40 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Gen. Karingal.
Ani Gen. Maranan, si Belmonte ang kauna-unahang alkalde sa lungsod na dumalo sa commemoration ng death anniversary ni Gen. Karingal.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment