Nasa 23 Facebook pages ang mino-monitor ng pamahalaan dahil sa umano'y pagbebenta ng mga bata online sa anyo ng adoption o pag-aampon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, isiniwalat ni Janella Estrada, executive director ng National Authority for Child Care (NACC), na ini-report NA nila ito sa Philippine National Police (PNP) at kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Sinabi ni Estrada na maging sa Facebook o Meta Philippines ay nagpadala narin sila ng liham pero wala pa silang natatanggap na tugon dito.
Nangako naman aniya si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na tutulong dito upang maiparating ang usapin sa Meta.
Ayon kay Estrada, ang Facebook pages na ito ay may libu-libong followers at nagbebenta ng mga bata sa halagang P10,000 hanggang P100,000 bawat isa.
Matatandaang nasagip kamakailan ng PNP-Women and Children Protection Center ang isang sanggol at naaresto ang ina na si Ma. Chariza Rivera Dizon dahil sa tangkang pagbebenta sa anak.
Naaresto rin ang 37-anyos na si Arjay Malabanan na nagsilbing ahente.
Samantala, bukod sa pakikipag-ugnayan sa PNP, sinabi ni Estrada na nakikipagtulungan din sila sa iba't ibang lokal na pamahalaan upang palakasin ang Philippine Foster Care Program.
ATTY. EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment