Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi niya kilala si Bamban Mayor Alice Guo.
Sa isang ambush interview sa Cagayan de Oro City, sinabi ng Pangulo na kilala niya ang karamihan sa mga politiko sa Tarlac at wala sa mga ito ang nakakakilala kay Guo.
Si Guo ayon sa Pangulo ay matagal nang iniimbestigahan ng mga awtoridad.
"Well, matagal na naming inimbestigahan 'yan, kaya naman nahuli 'yan eh," ayon sa Punong Ehekutibo.
"Dahil ni-raid natin 'yung sa Bamban at nakita natin nga 'yung mga dokumento, na kinukwestyon ngayon natin 'yan, kung talagang totoo 'tong mga 'to, at saka paano siya tumakbo ng mayor?" ang ipinagtataka ng Pangulo.
"Kilala ko lahat ng mga taga-Tarlac na politiko, walang may kilala sa kanya. Kaya nagtataka kami kung saan nanggaling ito. Bakit ganito ito? Hindi namin malaman," dagdag na wika nito.
Dahil dito, sinabi ng Pangulo na dapat lamang na imbestigahang mabuti ang kontrobersiyal na Alkalde ng ilang kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
"Kaya kailangan talagang imbestigahan. So, kasabay ng sa Bureau of Immigration, pati—siguro may magku-kwestyon ng taga citizenship. 'Yun lahat i-imbestigahan natin 'yan kasama ang imbestigasyon, hearing na ginagawa ng Senado," ayon kay Pangulong Marcos.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na nagtataka sila kung saan nanggaling si Guo kaya hindi nila isinasantabi ang posiblidad na peligroso sa seguridad ang ganitong pangyayari.
Kaya naman tiniyak ni Pang. Marcos na magbabantay na mabuti ang pamahalaan para hindi na maulit na may nakakapasok sa bansa na mga kaduda-dudang tao
Si Guo ay pinaghihinalaan na espiya ng China sa PIlipinas.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment