Todo-depensa si Senador Nancy Binay sa luxury tiles na ginamit para sa bagong gusali ng Senado sa Taguig City.
Sa panayam ng isang radio station kamakailan, sinagot ni Binay ang mga ulat na umabot sa P75,000 per square meters ang tiles na ginamit para sa ipinagagawang gusali.
Ayon sa kontrata sa pagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Hilmarc's Construction Corporation, pinakamahal na item ang luxury granite tiles na nagkakahalaga ng P43,996.59 per square meter, at ang laminated wood tiles na gawa sa sand oak na nasa P75,166.7 per square meter ang presyo.
Dinepensahan ito ni Binay sa pagsasabing kailangan umanong siguraduhin ng contractor ang warranty at kapalit ng tiles sakaling mag-crack ang mga ito pagdating ng araw.
"Yang tiles, tinitingnan tapos tinatanong kung ano ba ang warranty at maintenance niyan. `Pag nabasag ba iyan 15 years from now, mapapalitan pa ba nila ang tiles na iyan?" paliwanag ni Binay.
"Ang pangamba ko, kung may mabasag five years, 10 years from now, ibig sabihin ba noon, kailangan na palitan lahat just because hindi na available ang isang tile na nag-crack?" wika pa ng senador.
Itinanggi ni Binay na overprice ang ipinagagawang gusali na may dalawang phase ang konstruksiyon. Para sa core and shell ng gusali ay nagkakahalaga ito ng P8.067 bilyon habang P2.375 bilyon naman sa finishing ng mga pintuan, bintana at tiles.
Sa pangatlong phase umano ay aabot sa P10 bilyon ang gastos pero maaari pang pag-usapan ang presyo nito.
"Kailangan titingnan natin ang tibay niya sa matagalan. Kasi nga, alam naman natin, na yung daloy din ng mga tao at the end of the day. Sinusuri namin kung matibay ba siya, babagay ba siya, at yung maintenance na gagawin ng Senado pagdating sa materyales," ani Binay.
Pinabulaanan din niya na lumobo na sa P23.3 bilyon ang gastos sa bagong gusali gaya ng sinasabi umano nina Senate President Francis "Chiz" Escudero at Senador Alan Peter Cayetano.
BECCA DANTES – NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment