Patong-patong na kaso ang kinahaharap ng isang lalaking armado ng baril matapos magwala at naghahanap ng away sa Parañaque nitong Huwebes ng hapon, Hunyo 27.
Sa report na isinumite sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang inarestong suspek na si alyas Errol, 25.
Ayon sa SPD, naganap ang pagdakip kay alyas Errol dakong alas-5:50 ng hapon sa Santos Compound, Barangay Sto. Nino, Parañaque City.
Batay sa imbestigasyon ng Parañaque City police, sa mga oras na iyon ay nagsasagawa ng pagpapatrolya para sa kampanya ng anti-criminality ang mga tauhan ng Parañaque City police Sto. Niño Substation nang maalertuhan sila ng isang concerned citizen na mayroong lalaking armado ng baril na naghahamon ng away sa lugar.
Agad na tinungo ng mga operatiba ang Santos Compound, Barangay Sto. Niño kung saan inabot ng mga ito ang suspek na nagwawala at nangha-harass ng mga dumaraan sa lugar.
Nang aktong papalapit ang mga operatiba sa suspek ay agad na bumunot ito ng baril mula sa kanyang sling bag at pinaputukan ang mga pulis na maswerte namang walang tinamaan ng bala.
Dito na pinagtulungang arestuhin ang suspek kung saan nakuha sa kanyang posesyon ang isang kalibre .38 rebolber na kargado ng tatlong bala at tatlong basyo nito.
Bukod sa baril ay nakuhanan din ang suspek ng coin purse na naglalaman ng anim pang bala ng kalibre .38 at isang itim na pouch na may tatlong transparent plastic sachets na naglalaman ng tatlong gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng ₱20,400 at dalawang tig-₱100 piso.
Ang nakumpiskang ilegal na droga ay dinala sa SPD Forensic Unit (SPDFU) para sumailalim sa quantitative at qualitative analysis habang ang narekober na baril ay isasailalim naman sa beripikasyon at ballistic examination gayundin ang suspect na subjected din sa paraffin test.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment