Inamin ng isang opisyal ng Department of Justice (DOJ) na nag-iingat sila sa pag-aresto kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag dahil batid nilang hindi talaga ito pahuhuli nang buhay.
Ayon kay DOJ Spokesperson at Assistant Secretary Jose Dominic Clavano IV, mahigit isang taon nang nagtatago si Bantag at bagama't alam nila ang kinaroroonan nito ay nag-iingat din sila sa pagpapatupad ng arrest warrant laban sa dating BuCor chief upang hindi rin malagay sa panganib ang mga alagad ng batas.
"It's just that alam naman natin na hindi talaga `yan papayag na magpahuli nang buhay," sabi ni Clavano kaya hangga't maaari aniya ipapatupad ang pag-aresto kay Bantag sa maayos at payapang paraan.
Batid din umano ng mga awtoridad na hindi nagtatago si Bantag sa isang lugar lamang. Nagpapalipat-lipat aniya si Bantag sa mga malalayong lugar kung saan mayroong mga sumusuporta sa kanyang pagtatago.
Sa kabila nito, sinabi ni Clavano na bukas sila sa negosasyon para sa boluntaryong pagsuko ng dating BuCor chief. Mas makabubuti aniya kung ganito na lamang ang gagawin ni Bantag kaysa patuloy itong nagtatago habang pinaghahanap siya ng mga alagad ng batas.
Matatandaan na inihayag na dati ni Bantag na mas gugustuhin umano niyang mamatay kaysa makulong.
Inakusahan si Bantag na sangkot sa pagpatay sa broadcast journalist na si Percival "Percy Lapid" Mabasa na tinambangan habang lulan ng kanyang sasakyan sa Las Piñas City noong Oktubre 3, 2022.
Noong Hunyo 19, 2024 tinabla ng Court of Appeals (CA) ang hirit ni Bantag na ibasura ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Kinumpirma ng CA sa apat na pahinang resolusyon nito ang naunang kautusan ng Las Piñas Regional Trial Court na ibinasura ang motion to quash ng kampo ni Bantag sa murder case kaugnay ng pagpatay kay Mabasa.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment