Inatasan ng provincial government ng Pampanga ang lahat ng alkalde ng lalawigan na magsagawa ng house-to-house inspections kung mayroon scam hub sa kanilang lokalidad.
Sinabi ni Pampanga Vice Governor Lilia Pineda na inisyu ang utos sa mga alkalde bago pa man isiniwalat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga small-scale "scam" hubs sa Mexico at Bacolor, Pampanga.
"Hindi pa naman sinasabi nung PAOCC 'yung intel report nila, in-alarm ko naman lahat 'yung mga mayor ng Pampanga na lahat ng kapitan, mag-inspection, mag-house-to-house sila, tingnan din nila kung may mga POGO pa rin sa mga bayan-bayan nila," wika ni Pineda sa isang news interview.
Nakatakda rin umanong magpatibay ng resolusyon ang provincial government upang ibawal ang POGO sa huling hearing ng Sangguniang Panlalawigan sa darating na Biyernes.
Iimbitahan din nila ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) upang hingin sa kanila kung alin lamang sa mga POGO ang lisensiyado sa Pampanga.
"Kasi dapat sa kanila talaga magmula… Kasi kaysa 'yung naghahanap kami, hinahanap namin kung saan, saan nakatago, sila lang ang makakapagpatunay lang talaga niyan," paglalahad ni Pineda.
Matatandaan na sinalakay ng PAOCC ang ilegal na POGO hub sa Porac, Pampanga kung saan natuklasan ang mga aparato na ginagamit sa pang-scam. Bukod dito, nakita rin ang torture chamber at KTV na pinaniniwalang pugad ng prostitusyon sa lugar.
Ginisa na ng provincial government ang alkalde ng Porac dahil hindi raw nito nagampanan ang tungkulin na harangin ang operasyon ng scam hub sa kanyang nasasakupan.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment