Naghain si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng isang panukala na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga indibidwal na maglalagay ng maling impormasyon sa kanilang birth certificate sa ilalim ng pinasususugang 'Delayed Registration of Birth Act'.
Layunin ng Senate Bill 2703 ni Estrada na amiyendahan ang Republic Act 3753 o ang Law on Registry on Civil Status para palakasin ang sistema sa paghahain ng delayed registration ng mga birth certificate sa bansa.
"Walang ngipin itong existing law tungkol sa delayed registration," ayon kay Estrada.
Inihain ng senador ang panukala bunsod na rin ng isinagawang imbestigasyon ng Senado sa posibleng koneksiyon ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa ni-raid na POGO sa Tarlac kung saan naungkat din dito ang birth certificate ng alkalde na naglalaman ng mga kuwestyunableng impormasyon.
Sa ilalim ng panukala, ang sinuman na maglalagay ng maling impormasyon sa kanilang birth certificate ay mahaharap sa pagkakabilanggo ng anim na buwan at isang araw hanggang 12 taon at multa na hindi bababa sa P100,000 at hindi naman hihigit sa P250,000.
Kapag ang lumabag ay isang public official tulad sa local civil registry, awtomatiko itong matatanggal sa serbisyo at hindi na papayagang makahawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Hindi naman pagmumultahin ang taong naantala sa pagpaparehistro ng kapanganakan subalit dapat ay maihain ito sa loob ng 30 araw o kaya naman ay ilagay ang rason kung bakit delayed ang registration.
"Maraming sindikato sa DFA (Department of Foreign Affairs), mga nag-iisyu ng passport sa mga Chinese national na hindi naman talaga Pilipino…dapat matigil na itong mga sindikatong ito," sabi ni Estrada.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment