Timbog ang notorious na 'ecstasy' drug pusher at kilalang organizer ng malalaswang "sex orgy sessions" sa isang buy-bust operation ng National Capital Region Police Office, Special Operations Unit (NCRPO-SOU) nitong Miyerkules ng gabi sa Pasig City.
Kinilala ang nadakip na si Jade Christian Regalario alias "JADE", ng No. 6 Tyler Street, Barangay San Isidro, Cainta, Rizal.
Sa ulat, ikinasa ng NCRPO-SOU sa pamumuno ni P/Lt. Michael Maraggun ang buy-bust operation matapos makatanggap ng impormasyon sa kanilang tipster na si Regalario ay nasa area at nagbabagsak ng kanyang "kalakal".
Dinamba si Regalario 7:40 ng gabi, June 19, sa parking area ng Quantum Building sa Barangay Ugong, Pasig City matapos magbenta ng ecstasy tablets.
Isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 25 "pinky tablets capsule" ng ecstasy ang nakuha kay Regalario.
Ayon din sa NCRPO-SOU, kanila rin nakalap sa tipster na si Regalario ay tulak din ng cocaine at kilalang organizer ng 'sex orgy sessions' sa kanyang mga kliyente, na ang karamihan ay taga-showbizness.
Nahaharap si Regalario sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act).
Si Regalario at ang mga nakuhang ebidensiya laban sa kanya ay nasa kustodiya na ng SOU-NCR, at PNP Drug Enforcement Group para sa documentation at proper disposition.
Samantala, ang nakumpiskang ecstasy pills ay nai-turnover na sa PNP Forensic Group sa Camp Crame, Quezon City para sa forensic laboratory examination.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment