Pinabibilisan na ng Office of the President (OP) ang imbestigasyon laban sa sinibak na regional director ng Land Transportation Office (LTO) sa Region 4-A o Calabarzon kaugnay sa reklamo ng umano'y paghingi ng payola ng mga personnel nito sa mga operator ng colorum van.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Atty. Floreida Apolinario ng 8888 Citizen's Complaint Center ang natanggap nilang reklamo noong Marso 8 at Marso 11 ngayong taon lamang laban kay dating LTO Region IV-A Regional Director Cupido Gerry Asuncion.
Nagsumite si Apolinario ng memorandum na may petsang Mayo 29, 2024 kay Assistant Secretary Gabriel Lorenzo Ignacio ng Strategic Action and Response Office na nagpapatunay sa mga natanggap nilang reklamo laban sa dating opisyal.
Ang letter-complaint aniya ay isinumite nila sa Investigative and Adjudicatory Division ng Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs (ODESLA).
Ang ODESLA ang naatasan umanong magsagawa rin ng imbestigasyon laban kay Asuncion.
Inendorso rin ang mga reklamo sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) at naipadala na rin ito sa LTO subalit wala pang aksiyon ang mga nasabing ahensiya kaugnay sa mga reklamo laban sa dating opisyal.
Dahil dito, nais ng OP na kumilos ang mga ahensiyang dapat na mag-imbestiga kung may basehan o wala ang mga reklamo laban sa dating opisyal ng LTO.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment