Wala nang magaganap na DNA test para kay Mayor Alice Guo ng Bamban Tarlac at ang kanyang hinihinalang biological na nanay na si Lin Wen Yi upang sana'y mapatunayan kung ito ang siyang tunay na ina at hindi ang isang Amelia Leal Guo na walang makitang birth certificate.
Inilahad ni Sen. Sherwin Gatchalian na wala na sa Pilipinas si Lin Wen Yi kasama ang tatay ni Mayor Guo na si Angelo Guo o si Guo Jang Jong sa totoong pangalan.
Sinabi ni Gatchalian na mismong ang Bureau of Immigration and nagbulgar na lumabas na ang dalawa sa Pilipinas at bumiyahe na sa ibang bansa kung kaya't malabo na aniyang makapagsagawa sila ng DNA test upang mapatunayan kung ito na nga ang kanyang tunay na ina na sasaliwat sa kanyang mga unang testimonya na isang kasambahay ang kanyang tunay na nanay.
Naniniwala si Gatchalian na malaki sana ang magiging tulong ng DNA test na ito kung naisagawa nila upang siyang maging katunayan kung ano ang nakapaloob sa tunay na pagkatao ni Mayor Guo na nagsasabing siya ay isang Pilipino.
Base sa ating Saligang Batas, hindi maaring maging Pilipino ang isang tao kung parehong hindi Pinoy ang kaniyang mga magulang kahit pa sabihin na sa Pilipinas ito ipinanganak dahil ang lahat ay nakabasesa blood line upang ikonsidera ng batas ang pagiging Pilipino ng isang mamamayan.
Sakaling natuloy ang DNA test at makitang mag-ina nga sila ni Lin Wen Yi ay agad na ma-di-disqualify si Mayor Guo dahil Chinese ang tatay nito gayundin ang nanay kung lalabas na mag ina nga sila base sa magiging resulta.
Dahil umano parehong Chinese citizens ang tatay ni Mayor Guo at si Lin Wen Yi ay madali itong nakalabas ng bansa papuntang China kung kayat wala nang posibleng paraan para maisagawa nila and dapat sanay DNA test ng mayora at ng hinihinalang nanay nito.
Makikita ani Gatchalian sa lahat ng paglabas-masok ng tatay ni mayor na magkasama sila halos palagian at ito ang sobrang pinagkakatiwalaan ng korporasyon ng kanilang pamilya kaya't masasabi ng senador na hindi ordinaryo ang relasyon ni Lin Wen Yi kina Guo.
Iginiit din ni Sen. Gatchalian ang posibilidad na gumamit umano ng pera si mayor Guo mula sa POGO kung kayat nahalal ito bilang mayora ng Bamban Tarlac at iyon ay hindi aniya malayong katotohanan dahil na rin sa konektado si mayora sa mga nasabing POGO operator na nahuli nuong Marso mismo sa compound na pag aari nito.
Sinabi rin ni Gatchalian na base sa kanyang nakikita, ay matinding pinag-aralan ng mga ito ang kalakaran sa bansa at ginamit ang kanilang pera sa POGO para maiupo ang kasama nila at masiguradong magagamit ang nasabing posisyon para sa operasyon ng kanilang mga illegal na gawain.
Itinanggi naman ni Mayor Guo ng makailang ulit ang kaniyang koneksyon sa nasabing grupo ng POGO na nahuli sa kanyang compound at niliwanag nitong matagal na aniya siyang nagtanggal ng kanyang asosasyon sa nasabing grupo.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment