Nagparamdam muli ang Bulkang Taal sa Batangas matapos na magkaroon ito ng phreatic eruption na tumagal ng isang minuto.
Naitala ang nasabing aktibidad ng Taal sa 24 oras na pagmamanman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Bagama't nasa Alert Level 1 ang Taal, nagkaroon ito ng isang phreatic eruption event at nagtala rin ng isang volcanic tremor na tumagal ng 25 minuto.
Ang phreatic eruption ay pagbuga ng usok sanhi ng pag-init ng tubig sa ilalim ng lupa na nadikit o maaaring lumapit sa magma.
Tuloy din sa pagbuga ng sulfur dioxide flux (SO2) ang Taal na nagdulot ng vog.
Ang vog naman, ayon sa paliwanag ng Phivolcs, ay binubuo ng sulfur dioxide (SO2) gas at ibang volcanic gases, na humahalo sa atmospheric oxygen, moisture, alikabok, at sikat ng araw. Nagreresulta ito sa paglabo ng kapaligiran kapag laganap sa isang lugar.
Kaugnay nito, mahigpit pa rin ang paalala ng Phivolcs sa publiko na bawal pumasok sa mismong isla ng bulkan, lalo na sa main crater at Daang Kastila fissures, at pamamalagi sa lawa nito.
Bawal din ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa panganib ng maaaring biglang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall, at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment