Ipinakita sa publiko ni dating Caloocan second district representative Edgar Erice ang received copy ng liham na kanyang isinumite sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa Miru joint venture na nakakuha ng kontrata para sa 2025 elections.
Nitong Lunes, Hulyo 15, personal na nagtungo ang dating kongresista sa tanggapan ng Comelec sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila upang kuhanin ang kopya ng liham nito para kay Chairman Garcia matapos itong matanggap ng poll chief.
Sa nasabing liham kay Garcia ay kalakip ang confidential document ng kanyang banking history at detalye.
"Attached to this letter is a confidential document about your banking history and details. This document contains sensitive information that I believe warrants your verification and comment. I have received this document from an anonymous sender through the private courier FedEx," saad sa liham.
Hinimok naman ang darting mababatas si Garcia na suriin ang dokumento na naglalaman ng mga impormasyon ng opisyal na nangangailangan ng kanyang agarang aksyon upang matiyak ang integridad ng electoral process ng Republic of the Philippines.
Sinabi rin ni Erice sa kanyang liham na tiwala ito sa pangako ng komisyon sa integridad, katapatan, pananagutan at transparency bilang bahagi ng Values Statement ng Comelec.
Matatandaan na pinaalalahanan ni Garcia si Erice na iwasang magkomento sa legalidad ng kontrata ng Full Automation System na may Transparency Audit/Count (FASTraC).
Noong Abril, naghain si Erice ng petisyon laban sa P17.9 bilyong kontrata ng Comelec-Miru sa 2025 poll automation project sa high tribunal.
Ayon kay Erice, maraming red flags sa sistema ng Miru na posibleng hindi nakita ng Comelec.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment